131

Dec 30, 2017 @ 10:13
By

Delivery boy pinagsasaksak na, nasagasaan pa

Dobleng kamatayan ang inabot ng isang 22-anyos na delivery boy na pinagsasaksak at pagkatapos ay nasagasaan pa at tinakbuhan ng nakabanggang pampasaherong jeep kahapon ng madaling-araw sa Lawton, Ermita, Maynila.

Kinilala ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), ang biktimang si Edmon Maceda, taga-No. 17 Muelle Del Blanco, National Road, Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay Laura Garcia, biyenan ng biktima, nagpunta umano siya sa may P. Burgos Drive, Lawton, Ermita dakong alas-2:30 ng madaling-araw para sunduin ang kanyang anak na babae nang may makita siyang pinagkakaguluhan ng mga tao at sa kuryusidad ay nakiusyoso siya at laking gulat niya nang makita ang kanyang manugang na duguan at wala nang buhay.

Sa imbestigasyon, nalaman na hinoldap umano ang biktima at pinagsasaksak ng mga holdaper, nakita ang biktima na lumabas sa Lawton underpass na duguan at tinangka pa nitong tumawid sa kabilang kalsada na papuntang Manila City Hall pero minalas na mabunggo naman ng humaharurot na pampasaherong jeep.

Tumilapon pa ng ilang metro ang biktima dahilan para magkaroon ng hiwa sa noo at likurang bahagi ng ulo nito.

Dinala ang bangkay sa Archangel Funeral para sa awtopsiya.

Habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?