155
tnt_gunowner
Dec 16, 2017 @ 18:02
By

Delivery boy, patay sa pamamaril ng naka-maskara

Isang delivery boy ang patay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman habang nagtatrabaho ito kasama ang kanyang pamangkin sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Caloocan Police Station Investigation and Detective Management Branch Head, Chief Insp. Roden Santos Tejuco, alas-9:30 ng umaga naganap ang insidente sa kanto ng Balubad at Bigaa Streets, Barangay 179, Amparo ng nasabing lungsod.

Magde-deliver sana ng yelo at sakay ng kanilang ginagamit na de-padyak ang biktimang si Virgilio Trinidad, 53-anyos, ng Pitong Bahay Street, Maligaya Park kasama ang kanyang pamangking menor de edad na hindi na pinangalanan, at binabaybay ang nasabing lugar nang bigla na lamang na harangin sila ng isang taxi na hindi nakita ang plate number.

Isang lalaki ang bumaba mula sa taxi na nakasuot ng maskara, itim na jacket at itim na bullcap, saka pinagbabaril ang biktima na katabi ang kanyang pamangkin na natulala sa nangyari.

Agad tumakas ang salarin matapos mamaril habang agad namang namatay ang biktima.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga awtoridad maging ang mga kaanak ng biktima sa kung ano ang dahilan ng pagpatay sa biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?