45
Delikado sa mga tunay na emergency: Hotline 911 tinambakan ng prank call - DILG
Mar 4, 2020 @ 18:11
By

Delikado sa mga tunay na emergency: Hotline 911 tinambakan ng prank call – DILG

Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa paglobo ng mga ‘prank call’ o mga mapanlinlang na tawag na natatanggap ng national hotline 911.

Ito ay makaraang maitala na umabot sa 2.54 milyong na mga prank call o mapanlokong tawag ang natanggap ng Hotline 911 sa loob lamang ng taong 2019.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Ano, sa bawat prank call na kanilang natatanggap ay maaaring may isang buhay ang nasasakripisyo o nalalagay sa alanganin dahil hindi agad nakakapasok ang mga tunay na emergency calls.

Sa kabuuan, nakatanggap ang Hotline 911 na 18.48 million na tawag noong 2019 ngunit 37,440 lamang dito ang mga lehitimong tawag na nangangailangan ng emergency rescue assistance at 16,763 naman ang non-emergency calls.

Kabilang sa mga natugunan ng Hotline 911 ay ang police assistance, fire rescue, medical assistance, search and rescue at maraming iba pa.

Umaapela ang Kalihim sa publiko na huwag gawing katatawanan ang pagtawag sa Hotline 911 dahil mas marami pa ang maaaring matanggap nilang tawag na totoong nangangailangan ng mga emergency assistance.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?