17

Nov 23, 2021 @ 16:32
By

Delay sa pagbibigay ng ayuda ng DSWD pinaiimbestigahan

Naghain ng resolusyon si House Assistant Minority Leader at Gabriela Rep. Arlene Brosas upang paimbestigahan ang pagka-antala sa pamimigay ng bilyong-bilyong ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng unconditional cash transfer (UCT) program.

Hiniling ni Brosas sa House Resolution 2369 ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng House Committee on Social Services upang makagawa ng batas kung kinakailangan.

“Whereas, the implementation of UCT program has already lapsed yet numerous beneficiaries have not yet received their cash grants. Amid ceaseless increase of prices, there is an urgent need to distribute the cash grants from the unconditional cash transfer,” sabi sa resolusyon.

Ang UCT program ay bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na ginawa upang tulungan ang 10 milyong pinakamahihirap na pamilya na maaapektuhan ng pagtataas ng buwis.

Sa ilalim ng programa, bibigyan ng tig-P200 kada buwan ang mga benepisyaryo sa unang taon ng pagpapatupad ng programa at P300 kada buwan sa mga susunod na buwan. Tatagal ito ng tatlong taon mula sa pagpapatupad ng batas.

Sa pagdinig noong Nobyembre 8 ng House Committee on Ways and Means, natuklasan ng mga mambabatas na hindi pa natatapos ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng UCT program na hanggang 2020 lamang ang implementasyon.

Para noong 2018, sa P24 bilyong pondong pang-ayuda, P22.53 bilyon lamang ang naipamigay na samantalang P1.47 bilyon pa ang hindi naibibigay ng DSWD sa Land Bank of the Philippines (LBP) na siyang mamamahagi nito.

Sa P36.49 bilyong pondo para sa taong 2019, tanging P23.71 bilyon pa lamang ang naipamigay.

At noong 2020, P13.19 bilyon sa P36.49 bilyong pondo na nakalaan sa UTC ang hindi pa naibibigay ng DSWD sa LBP. Sa pondong hawak ng LBP, P8.9 bilyon ang hindi pa naipamimigay dahil kulang ang dokumento mula sa DSWD.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?