39

May 20, 2020 @ 15:43
By

Delay na paglabas ng OFWs sa quarantine facilities dahil umano sa pag-encode ng COVID-19 test

Isinisi ng Department of Health (DOH) sa problema sa pag-encode ng mga COVID-19 test results ng mga overseas Filipinos workers (OFWs) kaya naantala ang paglabas nila sa quarantine facilities.

Kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi kaagad naihahatid ang resulta ng pagsusuri sa mga OFWs kaya hindi rin sila mabigyan ng clearance para makalabas na at makauwi.

“Ang nagiging problema ngayon is encoding, ‘yung pag-i-encode ng mga datos at tsaka ‘yung mga resulta,” ayon kay Vergeire.

“Hindi natin nakuha nang mabilis ngayon ay ‘yung result ng mga tests para sila ay mabigyan na ng clearance at makauwi na sa kanilang probinsiya,” dagdag pa ni Vergeire.

Ayon kay Vergeire para masolusyunan ang problema ay kumuha na ng karagdagang encoders ang pamahalaan, sa tulong ng pribadong sektor, sa pamumuno ni deputy chief implementer of the National Task Force Against COVID-19 Vince Dizon.

Magugunita na ibinulgar ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ilang OFWs ang tumakas mula sa quarantine facilities, kabilang na ang ilang positibo sa coronavirus disease 2019, sa gitna na rin nang pagkaantala ng paglalabas ng resulta ng pagsusuri sa mga ito.

Samantala, inireklamo ng ilang OFWs na pinupuwersa silang manatili sa quarantine facilities ng mas matagal kumpara sa mandatory 14 na araw na quarantine period.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?