51

Dec 10, 2019 @ 17:36
By

Dela Rosa: Peace talks ng CPP-NPA lokohan lang!

Para kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, “lokohan” lang ang inihahaing peace talks ng Communist Party of the Philippines (CPP)-New People’s Army (NPA) sa Pamahalaan ng Pilipinas.

Sinabi niya ito kaugnay ng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan ng dalawang panig.

“Lokohan na lang yang peace talks na yan. Are they (CPP-NPA) sincere? Kung sincere sila, matagal na natapos itong kaguluhan natin,” hayag ngayong Martes ni Dela Rosa.

Tingin pa ng senador, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), gagamitin lang ng rebolusyonaryong grupo ni CPP founder Jose Maria Sison ang peace talks upang “lumuwag ‘yung fighting space” ng NPA.

“Si Joma (Sison) nagopen ng peace talks dahil nakikita nila na yung mga tao nila sa baba naiipit na. Lokohin n’yo lola n’yo… Ginagamit nila yang peace talks na yan para lumuwag yung fighting space sa baba,” saad pa ng senador.

Ganito rin ang paningin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nanindigan kamakailan na walang mangyayaring holiday ceasefire sa Pulang Partido.

Nitong Disyembre 5, inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III na kausapin si Sison.

Si Bello ang chief peace negotiator ng Philippine government hanggang Marso 2019, nang pormal na wakasan ni Duterte ang peace talks sa mga komunista at sabihing hindi na niya pakikinggan ang anumang “panghihikayat” ng mga ito.

Gusto ng Pangulo na mangyari ang peace talks sa Pilipinas, ngunit sinabi ni Sison na may ilang kondisyong dapat matupad bago maganap iyon.

“First of all, at this time, it would be good to adopt goodwill measures then the next step is to hold a formal meeting in a foreign neutral venue in order to resume the peace negotiations,” saad ng CPP founder sa panayam sa ANC nitong Lunes, Disyembre 9.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?