66

Nov 3, 2017 @ 18:50

Deklarasyon ng liberasyon sa Marawi, hindi premature – AFP

Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines na hindi nagkamali sa pagdedeklara ng liberasyon ng Marawi City kahit pa may natitirang miyembro ng Maute terror group sa lungsod.

Sa ginanap na Bangon Marawi press briefing sa Malacanang kahapon, sinabi ni AFP spokesman Major General Restituto Padilla, wala ng mga lider ang natitirang Maute sa Marawi at nasa survival mode na ang mga ito kaya’t wala ng kakayahang maglunsad ng mga pag-atake.

Ang iniingatan lamang aniya ng militar ay makatakas at makalabas ng Marawi ang mga natitirang Maute at makapanakit sa ibang lugar.

“Yung mga naiiwan diyan na stragglers, they are leader-less, they have no direction, they are merely fighting for survival. So they have no impact on the overall security of the place,” sabi ni Padilla.

“The reason why we are trying to restrict that area is to ensure that not one of these terrorists may be able to escape because one terrorist who is able to escape has the potential of inflicting harm on many nationals — on many of our nationals,” dagdag pa nito.

Kaugnay naman sa namonitor na presensiya umano ng ilang miyembro ng pamilya Maute sa Taguig City, nilinaw ni Padilla na hindi lahat ng angkan ng Maute ay masasama at terorista dahil mayroon aniyang lehitimong mga negosyante at maayos ang katayuan.

Gayunpaman, sinabi ni Padilla na isasailalim pa rin ang mga ito sa beripikasyon at cross-check para makasigurong wala ng ibang grupong uusbong tulad ng mga lumusob sa Marawi City.

“Hindi po ‘to surprising dahil nung simula pa lang po ng Marawi siege, sinabi na natin na ‘yung mga pamilya ng Maute, hindi naman po lahat masasama ‘yan.Meron pong ilan sa kanila naka-parte dito sa naging rebellion, pero marami rin po na maaaring kapangalan, lehitimo ang kanilang ginagawang source ng kabuhayan at nasasangkot lang sila dahil ang apelyido nila ay Maute,” ang dagdag na pahayag pa ng heneral. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?