28

Nov 25, 2021 @ 16:03
By

Defensor: Bakanteng posisyon sa gobyerno punan

Nanawagan si Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa mga ahensya ng gobyerno na punan ang halos 178,000 bakanteng posisyon upang mapababa ang unemployment rate sa bansa.

Sinabi ni Defensor na batay sa mga dokumento na isinumite ng gobyerno para sa 2022 national budget, mayroong 1,899,747 permanenteng posisyon sa gobyerno. Sa bilang na ito 177,994 ang bakante.

Hindi pa umano kasama rito ang mga trabaho na nasa ilalim ng lokal na pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Defensor na sa paglalaan ng pondo para sa sweldo at benepisyo, ang tinitignan ng Kongreso ay ang kabuuang bilang ng permanenteng posisyon kasama ang mga bakante.

“This means that agencies have the funds to hire personnel to fill vacant positions,” sabi ni Defensor.

Umaasa rin si Defensor na bibigyan ng prayoridad ng mga ahensya sa pagkuha ng dagdag na empleyado ang mga contract-of-service (COS) at job-order (JO) na matagal ng nagtatrabaho sa kanila.

Nasa 530,000 ang bilang ng COS at JO sa gobyerno.

Iginiit ni Defensor na dapat ng matigil ang sistema kung saan hindi pinupunan ng mga ahensya ng gobyerno ang mga bakanteng posisyon para magkaroon ng savings na maaari nilang gamitin sa ibang bagay kapag inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) at Malacañang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?