93

By

Defense chief: Kapitan ng Chinese vessel dapat mag-sorry

Kumbinsido si Defense Secretary Delfin Lorenzana na dapat magpakumbaba at humingi ng paumanhin ang mga Tsinong kasama umano sa bumangga sa bangka ng 22 mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea.

Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Lorenzana na tama lang din na mag-sorry sa mga mangingisda ang kapitan ng Chinese vessel na Yuemaobinyu 42212 at at bayaran ang pinsalang naidulot ng insidente.

Gayunman, idiniin ng kalihim na walang kinalaman sa relasyon ng pamahalaan sa bansang Tsina ang nangyaring insidente sa Recto Bank.

Naniniwala siya na aksidente at hindi sinadya ang nangyaring pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda.

Totoong napakalawak aniya ng karagatan at ang nasabing insidente ay maituturing na isa sa bawat isang milyong posibilidad.

Kumbinsido rin ang kalihim na ordinaryong fishing vessel lang ang nakabangga sa F/B Gem-Ver 1 at hindi ito bahagi ng Chinese maritime militia dahil sa dala nitong boom na gamit sa pangingisda.

“Merong boom doon na nilalagay ‘yung net pag fishing nila. According to experts na nakilala natin sa Philippine Navy and Maritime, itong mga fishing vessel comes from Hong Kong,” paliwanag ni Lorenzana.

“‘Yung mga militia, hindi naman nagpi-fishing ‘yan,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?