104

Nov 28, 2017 @ 15:56
By

Debate sa ‘retoke tax’ nahaluan ng kapilyuhan

Nahaluan ng kapilyuhan at kahalayan ang debate ng mga senador ukol sa panukalang pagpapataw ng buwis sa cosmetic surgery o pagpaparetoke.

Nag-umpisa sa seryosong paggigiit ni Senador Franklin Drilon na patawan ng excise tax ang pagpaparetoke gaya ng pagpapalaki ng dibdib dahil mayroon namang salapi ang nagpapagawa nito.

Inungkat na may doktor na yumaman dahil sa cosmetic surgeries kaya nakagastos ng milyon-milyong piso sa kasal sa Paris.

“Kung bubuwisan ang mahihirap sa pamamagitan ng mataas na equity, buwisan din kung magpapalaki ng suso,” ayon kay Drilon.

Tinutulan ito nina Senador Ralph Recto at Senador Richard Gordon pero sa huli, nagpasya ang mga senador na magpataw ng 10% excise tax sa aesthetic surgery.

Bumunghalit dito ng biro si Sen. Sonny Angara, nagtatanggol sa Tax Reform Bill, na ayaw ni Gordon na buwisan ang pagpaparetoke na may kaugnayan sa pangalan nito. “Dick” ang palayaw ni Gordon.

“Mr. President, Senator Gordon wants the exclusion of certain procedures which are related to his name,” sabi ni Angara na sinundan ng tawanan ng mga senador at mga tao sa session hall.

“Why does he need it, Mr. President?,” pabirong tanong ni Drilon.

“There are limitations to the imagination and vocabulary of the chairman, your honor. I think he’s referring to many of us who would not admit their infirmities in the manner of size. So I’m just trying to give them a chance because in South Africa they have such procedures, enhancements,” sabi ng humahagikhik na si Gordon.

Binawi ni Angara ang biro at nagpasalamat sa pakikipagbiruan ni Gordon.

Humirit naman si Sen. President Pro-Tempore Ralph Recto ng sariling biro.

“I heard the Minority Leader (Drilon) kept on asking about breast enhancement. Paano naman ang reduction?” tanong ni Recto.

Tinanong din nito nang pabiro si Angara kung paano kung gusto ni Gordon ay “enhancement” o “reduction”?

“He wants a reduction, Mr. President,” sagot ni Angara na muling nagbunsod sa pagtatawanan sa session hall. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?