77

Aug 17, 2019 @ 17:02
By

Death threat sa Comelec commissioner, itinanggi ni Cardema

Itinanggi ni dating Youth Commissioner Ronald Cardema na siya ang nasa likod ng mga death threat na natatanggap umano ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon.

Sa isang pulong balitaan sa Eton Centris Elements Tent sa Quezon City nitong Sabado ng hapon, mariing pinabulaanan ni Cardema ang nasabing akusasyon at iginiit na napaka-imposibleng pagbantaan niya ang commissioner dahil mistula aniya silang “hawak sa leeg” ng Comelec.

“Pinapalabas niya (Guanzon) na siya ang biktima. Pero sa totoo, kami sa Duterte Youth ang biktima. ‘Yung mga threat napaka-imposible nun, hawak kami sa leeg ng ilang buwan. Hindi namin sila inaaway,” giit ni Cardema.

Ang isyu ay nag-ugat matapos na maghain ang Duterte Youth ng petisyon sa Comelec at hiniling na si Cardema ang maging nominado nila upang maging kinatawan sa Kongreso.

Gayunman, ibinasura ng Comelec First Division ang petisyon ng grupo dahil sa pagiging overaged ni Cardema upang maging kinatawan ng isang youth group, ngunit maaari pa naman itong iapela sa en banc.

Agad din namang nagsumite ng listahan ng mga bagong nominado sa Comelec ang Duterte Youth ngunit nananatiling si Cardema ang unang nominee nito habang pangalawa naman ang kanyang asawang si Ducille, na dating unang nominee ng grupo, ngunit nag-withdraw at pinalitan ni Cardema.

Sinabi na ni Guanzon na maaaring makapaglabas sila ng desisyon hinggil sa isyu sa loob ng isang buwan.

Aminado rin si Guanzon na maaaring masayang lamang ang puwesto sa Kongreso na inilaan sa Duterte Youth dahil malabo aniyang mabaligtad ang pagkakadiskuwalipika kay Cardema dahil malinaw namang overaged talaga ito sa edad na 34-anyos.

Mistula rin aniyang isinuko na ni Cardema ang kanyang motion for reconsideration nang maghain ang grupo ng panibagong set of nominees sa Comelec na tila malabo rin aniyang mapagbigyan dahil ang deadline ng pagsusumite ng mga nominado ay noon pang Mayo 13, 2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?