104

By

Death penalty bill ayaw dipensahan ni Gordon

Walang balak si Senador Richard Gordon na isponsoran ang mga panukala tungkol sa pagbabalik ng death penalty sa oras na makalusot ito sa committee on justice and human rights na kanyang pinamumunuan.

“Hindi ako mag-isponsor niyan dahil hindi ako naniniwala sa efficacy ng death penalty,” pahayag ni Gordon sa panayam sa dzBB kahapon.

“I can conduct the hearing. Pero ‘yung mag-sponsor siya ang mag-defend pagdating na sa floor,” dagdag pa nito.

Nitong nagdaang linggo, apat na senador na sina Manny Pacquiao, Ronald dela Rosa, Christopher “Bong” Go at Panfilo Lacson ang naghain ng kani-kanilang panukala para maibalik ang parusang kamatayan sa bansa.

Ang mga panukala ay ire-refer sa Senate committee on justice and human rights na pinamumunuan ni Gordon.

Nanindigan naman si Gordon na hindi death penalty ang solusyon para masugpo ang kriminalidad at iligal na droga sa bansa.

“Hindi siguradong magiging effective ‘yan dahil ngayon, marami nang namatay pero tumitigil ba ang droga?” ani Gordon.

Sa halip na kamatayan, mas mainam umanong ikulong na lang mga taong nasangkot sa droga at kriminalidad dahil malaki naman ang magiging epekto nito sa kanilang sarili at sa kanyang pamilya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?