86

Jan 26, 2018 @ 11:57

Deadline sa pagbabayad ng buwis sa Maynila, pinalawig

Pinalawig ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada na hanggang Pebrero 9, 2018, ang deadline sa pagbabayad ng business taxes, permits, lisensiya at iba pang bayarin.

Gayunman kapag lumampas na sa itinakdang deadline ay papatawan na ng kaukulang multa na aabot sa 25 porsiyento.

Ginawa ang pagpapalawig ng araw sa pagbabayad ng buwis kasunod ng pagpapatibay ng Sangguniang Panlungsod (SP) ng Maynila ng City Resolution No. 8, series of 2018.

Ipinasa at inaprubahan ang nasabing Resolusyon matapos sumulat si Estrada sa Sanggunian sa layuning mapagbigyan ang malaking bilang ng mga nagbabayad ng buwis na matiyagang pumipila sa city hall noong nakaraang linggo upang makahabol sa huling araw ng bayaran ng buwis.

Kaugnay nito sa City Resolution No. 8, series of 2018 dito, pinapayagan din na mabigyan ng 10 porsiyentong diskuwento sa business taxes kung magbabayad bago o matapos ang Pebrero 9.

Nalaman sa liham sa Sanggunian, binanggit ni Estrada ang hindi nangyari, gaya ng plano na maproseso ang renewal of business permits ng may 50,000 commercial establishment na nagnenegosyo sa siyudad.

Binanggit din ng alkalde ang naganap na selebrasyon at paggunita sa Pista ng Itim na Nasareno sa paghingi ng extension sa pagbabayad ng buwis.

Si Majority Floor Leader Casiminiro C. Sison, ang umakda at nagharap ng resolusyon na pinagtibay ng Sanggunian.

Sa resolusyon, kailangan palawigin ang pagbabayad ng buwis bunga ng pagdami ng mga aplikasyon sa nais magnegosyo sa Maynila, at dahil dito kailangan ang mas mahabang panahon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga investor na mabayaran ang kanilang obligasyon at mga bayarin sa pamahalaang lungsod. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?