1,394

Apr 14, 2019 @ 18:45
By

De Lima sa mga Pilipino: Ipagdasal niyo ang kinabukasan ng Pilipinas

Hinikayat ni Senador Leila De Lima ang mga Pilipino na pagnilayan ng mga ito ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa at ipagdasal ang kinabukasan nito ngayong Semana Santa.

Saad ni De Lima, dapat na gamitin ng mga Pilipino ang okasyon ng Holy Week upang magnilay sa pagdurusa na pinagdaraanan ng mga kapwa Pilipino lalo na ang laban ng mga mahihirap na pamilya, at nang maliwanagan sa tunay na estado ng ating bansa.

“Gamitin po sana natin ang panahon na ito, kasama ang ating pamilya, na ipagdasal ang kapakanan at kinabukasan ng ating bansa,” saad ni De Lima.

“Ipagdasal po natin ang tagumpay ng mga tapat na pinuno, ang pagpapanagot sa mga tunay na salarin—silang mga nagtatago at mga naghuhugas-kamay sa kanilang kabuktutan—gayundin ang pagkaluklok ng mga lingkod-bayan na totoong maglilingkod nang tapat sa sambayanan,” aniya.

Hinimok din ni De Lima ang mga Pilipino na manindigan sa kanilang pananampalatayang Katoliko laban sa walang respetong komento na ginagawa laban sa relihiyon.

“Ang hamon at panawagan nga po sa atin ngayon, hindi lamang bilang Katoliko, kundi pati na rin bilang mga Pilipino: Magwawalang kibo na lang ba tayo o maninindigan laban sa walang habas na pagpaslang sa ating mga maralitang kababayan, sa pananakot at pagkakalat ng kasinungalingan para manira ng kapwa, sa pagbalahura sa Simbahan, at higit sa lahat, sa pagbastos sa pangalan ng Panginoong ating Tagapagligtas?” dagdag ni De Lima.

Ipagdiriwang ni De Lima ang Holy Week sa Camp Crame kasama ang kaniyang pamilya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?