65

Oct 5, 2021 @ 19:57
By

De Lima: Pagreretiro ni Duterte sa politika pambobola lang

Duda si Senadora Leila de Lima sa sinseridad ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na magreretiro na siya sa politika.

“Going by Duterte’s perfect 0/10 track record for honesty and truth telling, the announcement of his so-called ‘retirement’ from politics must mean the opposite. Mukhang tatakbo nga,” sabi ni De Lima sa isang statement.

“Ang tanong: Ano na naman kayang drama at panlilinlang ang pinapakulo ng #DramaKing sa Malacañang?” tanong pa nito.

Matatandaan na unang kinumpirma ni Duterte noong Agosto 25 na tatakbo siya bilang bise presidente sa susunod na eleksiyon.

Bago ang pag-endorso kay Senador Bong Go, pumirma pa si Duterte ng Certificate of Nomination and Acceptance bilang vice presidential candidate ng PDP-Laban noong Setyembre 25.

Subalit binigyang-diin ni De Lima na sanay na umanong linlangin ni Duterte ang taumbayan.

“Kahit na lang sa pag-file ng certificate of candidacy, binubudol-budol pa ni Duterte ang sambayanan. Kunwari hindi tatakbo, kunwari nagpapapilit. Bumenta na ‘yan. Hindi karnabal ang eleksyon na puwedeng paglaruan ulit at kenkoyen ang mga Pilipino,” ani De Lima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?