98

Nov 3, 2017 @ 18:43

De Lima muling humirit sa SC sa pagbasura ng kanyang petisyon

Pormal nang hiniling ni Senador Leila de Lima sa Korte Suprema na baligtarin ang nauna nitong desisyon na nagbabasura sa kanyang petisyon na mapawalang bisa ang mandamyento de aresto na inisyu ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 laban sa kanya.

Ang kaso ay may kinalaman sa alegasyon na sangkot umano si De Lima sa kalakaran ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons noong siya ay nanunungkulan pa bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Sa kanyang motion for reconsideration, tinukoy ni De Lima na ang kabiguan ng mayorya sa mga mahistrado na magkasundo sa “nature” ng akusasyon laban sa kanya ay sapat nang batayan para siya ay mapalaya.

Aniya, lima sa mga mahistrado na kinabibilangan nina Justices Presbitero Velasco Jr., Lucas Bersamin, Samuel Martires, Andres Reyes, at Alexander Gesmundo ay naniniwalang dapat siyang patuloy na mapiit dahil sa kasong illegal drug trading.

Tatlo naman sa mga mahistrado partikular na sina Teresita Leonardo De Castro, Noel Tijam at Diosdado Peralta ay naniniwalang ang krimen na ipinaparatang sa senador ay pakikipagsabwatan sa illegal drug trading na aniya ay iba nang paglabag.

“On the other hand, one member of the Honorable Court remains vague about whether the information charges illegal drug trading or conspiracy to commit drug trading,” ang nakasaad sa kanyang motion for reconsideration.

Para kay de Lima, ang hindi pagkakasundo ng mayorya sa dapat ay inihaing kaso laban sa kanya ay malinaw na indikasyon na ang inihaing reklamo ay peke.

“If the members of the majority could not even agree on the nature of the accusation reflected in the Information, such fact is an objective indicator that respondent judge could not possibly have had probable cause to issue the warrant of arrest against petitioner (De Lima),” giit ni De Lima sa kanyang mosyon.

Si De Lima ay nakakulong ngayon sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?