13

Jan 11, 2021 @ 14:42
By

De lima: Kung walang ebidensya, ibasura!

Hiniling ni Senadora Leila de Lima sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 na ibasura ang isa sa tatlong kasong isinampa sa kanya dahil sa kawalan ng ebidensya na nagsasangkot sa kanya sa bentahan ng ilegal na droga sa Bilibid.

Noong Enero 7, inihain ni De Lima ang “Demurrer to Evidence” sa Criminal Case 17-166, kung saan kapwa akusado niya si Jose Adrian “Jad” Dera.

Sa kanyang Demurrer to Evidence, sinabi nitong dapat itigil ang kaso laban sa Senadora dahil wala naman daw naipresenteng matibay na pruweba laban sa kanya ang Prosekusyon, matapos iharap ang 21 na testigo at sangkatutak na dokumento sa Korte.

Ayon kay De Lima, hindi na umano kailangang magpatuloy ang kanyang mga abogado sa paghahain ng kanilang depensa sapagkat nananatiling espekulasyon lamang ang mga bintang ukol sa diumano’y transaksyon sa pagitan niya at ni Dera.

“Wala sa mga testigo ng Prosekusyon ang umamin na may personal silang nalalaman o may personal silang pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga’” saad ng senadora.

Matatandaan na sinampahan ng kasong Illegal Trading/Sale of Illegal Drugs ng Prosekusyon si De Lima pero binago ito at ginawang “conspiracy” sa transaksyon sa ilegal na droga dahil sa kawalan ng ebidensya ukol sa mga drogang ibinenta.

Sa naturang kaso, sinasabing nakipagsabwatan umano si De Lima kay Dera. Humingi diumano si Dera ng pera at sasakyan sa drug lord convict na si Peter Co para sa pagtakbo ni De Lima bilang Senador sa eleksyon noong 2016.

Nakipagtransaksyon umano si Co gamit ang kanyang mobile phone at ibinigay ang perang kinita sa pagbebenta ng droga kay De Lima sa pamamagitan ni Dera, na nagkakahalagang tatlong milyong piso, kasama ang apat na sasakyan.

Sabi ni De Lima, sa halip na mapatunayan ng Prosekusyon ang paratang nila, lumalabas lang na ang kaso nila ay tungkol talaga sa kidnapping-for-ransom.

Dagdag pa nito, ang mga testigo mismo ng Prosekusyon na sina Peter Co, Hans Tan at Sally Serrano ang nagsabing tungkol ang kaso sa pagbabayad ng ransom sa mga tiwaling pulis na kumidnap kay Serrano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?