48

Jul 16, 2021 @ 16:57
By

De Lima kay Roque: Sa WPS ka magtampisaw, huwag sa Boracay!

Hinamon ni Senadora Leila de Lima si Presidential Spokesperson Harry Roque na sa West Philippine Sea (WPS) magtampisaw sa halip na sa Boracay o Subic para masaksihan nito ang ginagawang panggigipit ng mga barko ng Chinese sa mga mangingisdang Pilipino.

“Mr. Roque, hinahamon ka ngayon ng ating mga mangingisda na samahan silang pumalaot. Kailangan ka nila sa Panatag para saksihan gamit ang sarili mong mga mata ang panggigipit na ginagawa sa kanila ng mga dayuhan, hamon ni De Lima kay Roque.

“Doon ka magtampisaw, huwag sa Boracay o sa Subic, kung papayagan ka man ng iyong mga among Tsino,” saad pa ng senadora.

Nauna nang sinabi ni Roque na nagsisinungaling umano ang mga mangingisda nang sabihin ng mga itong hinaharang sila ng mga barko ng China na mangisda sa ilang bahagi ng WPS.

Pero sabi ni De Lima, si Roque ang sinungaling at hindi ang mga mangingisdang Pinoy.

“Harry Roque is no doubt a modern-day Joseph Goebbels. Itinaya niya na lahat pati pato’t panabla, kasama na ang kaluluwa, kay Duterte at sa Tsina para lang sa ambisyon,” ayon kay De Lima.

“Kaya pagdating sa West Philippine Sea issue, sinungaling lahat – ang mga findings at satellite images ng mga eksperto, ang mga local and international media na nagre-report ukol dito, at pati na ang mangingisda na binabangga ng bangka ng Tsino, ninanakawan ng huling isda at itinataboy sa sarili nating karagatan,” sambit pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?