3,072
De Lima kay Isko: Tulungan mga vendor na nawalan ng hanapbuhay
Jul 17, 2019 @ 18:24
By

De Lima kay Isko: Tulungan mga vendor na nawalan ng hanapbuhay

Hinikayat ni Senadora Leila de Lima si Manila Mayor Franciso “Isko Moreno” Domagoso na bigyan ng pagkakakitaan ang mga vendor na naapektuhan ng kanyang clearing operation sa lungsod.

Ayon sa senadora, obligasyon natin bilang mga lingkod bayan na tulungan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga tunay na nasa ibaba ng lipunan na makaahon sa gutom at kahirapan.

“Kahanga-hanga ang ipinapamalas na dedikasyon ni Mayor Isko sa paglilinis at pagsasaayos ng mga daan at lansangan sa Maynila,” sabi ni De Lima.

“Gayunpaman, nawa’y mapakinggan din sana niya ang mga saloobin ng mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa isinagawang clearing operations,” dagdag pa nito.

Isang buwan matapos maupo sa puwesto, nilinis ni Moreno ang mga pangunahing lansangan sa Maynila, kabilang ang sa Recto, Divisoria, Soler at Carriedo gayundin ang pagwasak sa mga tindahan sa Lagunislad underpass.

“Maraming pamilyang Pilipino ang magugutom at malulugmok sa kahirapan kung wala tayong gagawin upang tulungan ang mga vendor na nawalan ng hanapbuhay,” ayon kay De Lima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?