210

Mar 3, 2021 @ 17:04
By

De Lima kay Duterte: Hindi namin sasabihin na mamatay ka na

Umalma si Senadora Leila de Lima sa wish ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamatay na si Vice President Leni Robredo.

“Duterte wishing VP Leni dead is no damn joke! It is exceedingly vile and evil, satanic and stupid, and extremely unpresidential,” reaksiyon ni De Lima sa kanyang ipinadalang statement.

“Hindi Freudian slip ‘yang sinabi niya. Tabas ‘yan ng dila ng mamamatay-tao. ‘Yang bunganga niya walang ibang lumalabas kundi pagpatay,” dagdag pa nito.

Pero sa kabila umano ng hindi magandang pananalita ng Pangulo sa kanyang bise presidente, sinabi ni De Lima na hindi nila wini-wish na mamatay na ito.

“Mr. Duterte, kahit sukdulan kang walang-hiya, kahit ipinagkakanulo mo ang Pilipinas sa China, kahit mas masahol ka pa sa pandemya, hindi namin sasabihin na mamatay ka na,” ayon kay De Lima.

“Paalis ka na lang sa puwesto sinasagad mo pa ang pagwawalang-hiya diyan sa Opisina ng Pangulo. Tirhan mo naman ng kahit katiting na respeto at dangal ‘yang Malacañang,” wika pa nito.

Pinaalalahanan pa ni De Lima si Duterte na ang COVID-19 ang kalaban nito at hindi si Robredo.

“Itong COVID-19 ang tutukan mo, hindi ang pagsira kay VP Leni. Nasa gitna pa tayo ng pandemya, eleksyon na inaatupag n’yo,” anang senadora.

Bingyang-diin pa ni De Lima na napakalaki nang naitutulong ni Robredo at ng Opisina ng Pangalawang Pangulo upang hindi tuluyang mawalan ng pag-asa ang mga Pilipino at malugmok ang Pilipinas sa gitna ng pandemya.

“Dapat ka pa ngang magpasalamat sa kanya dahil sinasalba niya ang pag-asa ng mga Pilipino na may magandang hinaharap pa pagkatapos mo dahil sa’yo walang kapaga-pag-asa!” lahad ni De Lima.

“Mr. Duterte, matulog at magkulambo ka na lang kung wala rin namang matinong lumalabas sa bibig mo,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?