18

Jul 29, 2020 @ 14:37
By

De Lima: Hindi lang duwag si Duterte, traydor pa!

Muling nanawagan si Senadora Leila De Lima para sa pagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto dahil sa pagkabigo nitong tuparin ang tungkulin sa mga Filipino nitong nakalipas na apat na taon, lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic.

“Tapang at malasakit ang inasahan ng ating mga kababayan nang inihalal nila si G. Duterte. Sa halip, tamad at inutil ang gobyernong ating nakuha,” pahayag ni De Lima sa isang statement.

“Malakas ang Pilipinas, kaya nating bumangon. Subalit kung hindi na kaya ng Pangulo na gampanan ang kaniyang tungkulin at ipaglaban ang ating bansa, isang napakabigat na kasalanan sa ating bayan kapag hindi pa siya magbitiw,” dagdag pa nito.

Sabi ni De Lima, sa apat na taon ng pamumuno ni Duterte, napatunayan aniya ang kawalan nito ng tapang at malasakit sa mga Pilipino kasabay ng pagkabigo nitong ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Kinikilala ng buong mundo ang ating claim sa West Philippine Sea. Subalit sa halip na ipaglaban ang ating karapatan sa ating teritoryo, sumuko na si G. Duterte. Siya mismo nagsabi sa SONA, “inutil ako diyan, walang magawa”,” ani De Lima.

“Maling-mali rin ang pagbanggit niya, na China is “in possession” of the disputed territories, isang pag-amin na may matinding implikasyon sa ilalim ng batas. Tayo na nga ang nanalo sa kaso natin laban sa China, tayo ngayon ang umuurong. Hindi lang ito kaduwagan, kundi katraydoran!”, sambit pa nito.

Halatan din aniyang walang plano ang administrasyon para mapabuti ang kalagayan ng mga Filipinos a gitna ng pandemya.

“Sinukuan na ba ni G. Duterte ang COVID-19? Tila walang plano ang gobyernong Duterte ayusin ang ating bansa para makapamuhay tayo kahit may COVID-19 pandemic pa rin. Mukhang naghihintay na lamang siya na magkaroon ng bakuna mula sa China,” sabi ni De Lima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?