90

May 23, 2021 @ 16:42
By

De Lima: 4Ps hindi limos sa mga mahihirap

Binigyang-diin ni Senadora Leila de Lima na may pangmatagalang benepisyo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa buhay ng mga benepisyaryo nito, taliwas sa pangamba ng ilan na nagiging palaasa lang sa gobyerno ang mga nakakatanggap nito.

Inihalimbawa ng senadora, principal sponsor at author ng 4Ps sa Senado, ang kuwento ni Samahan ng Nagkakaisang Pamilya ng Pantawid (SNPP) President Jeana Catacio, isang 4Ps beneficiary na nagsabing malaki ang naitulong ng ayuda ng gobyerno sa kanila pamilya lalo na sa panahon ng pandemya.

“Sa mga ganitong panahon ng krisis, nakikita natin ang halaga ng pagbibigay suporta at ayuda sa mga nangangailangan tulad ng 4Ps. Malinaw na hindi ito isang limos o dole out lang, kundi isang investment at pagbibigay ng kakayahan sa mga kapuspalad na dumadaan sa mahigpit na pagsubok dahil sa labis na kahirapan o matinding sakuna,” sabi ni De Lima.

“Ang kuwento nga po ni Jeana ay isa lamang sa milyon-milyong kwento ng tagumpay ng 4Ps. Taliwas ito sa sinasabi ng ilan na nagiging tamad ang mga benepisyaryo ng 4Ps dahil nag-aabang lang ng mga benepisyo, dahil mas nagiging masigasig pa nga sila na makaahon sa kahirapan dulot ng pag-asang hatid ng programa,” dagdag nito.

Ang 4Ps Act na nilagdaan noong Abril 17,2019, ay nagbibigay ng conditional cash grant sa tinatayang 4.4 milyong kuwalipikadong mahihirap na pamilya sa loob ng maximum na pitong taon para mapaganda ang kanilang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng kanilang mga anak.

Sa kwento ni Catacio, siya at mga kapwa niya benepisyaryo ng 4Ps ay nakaranas na pambu-bully sa ilang tao na inaakusahan silang tamad dahil sa umaasa sila sa tuong pinansiyal na ibinigay ng pamahalaan.

“Marami pong komento regarding sa program na nagiging tamad, inaayudahan lang ng gobyerno. Lagi naming sinasabi na maging mabuting miyembro kami para maipakita sa ating kababayan na sinisikap po namin na maging mabuti at maayos na benepisyaryo ng programa para po hindi sayang ang tulong ng pamahalaan,” sabi ni Catacio.

“Hindi rin yan makukuha ng beneficiary ang [financial support] kung sila ay tamad mag-aral, tamad magpa-check up sa health center at tamad mag-attend ng monthly meeting na tinatawag na family development session.

“Kapag isa po diyan ay hindi namin nameet, tulad ng 85% attendance ng aming anak sa paaralan, ay hindi rin po namin makukuha ang grant sa education, at kung kami ay tamad magpa-checkup o umattend ng family development session, ay hindi rin po namin makukuha ang grant para sa health. Ipinagmamalaki ko po na karamihan sa anak ng 4Ps beneficiary ay mga honor students,” lahad pa nito.

Sabi pa ni Catacio, bilang benepisyaryo ng 4Ps, malaking tulong umano ito sa kanila para maibsan ang nararanasang kahirapan sa kasalukuyan.

“Ito po ay isang epektibong programa para sa mga mahihirap lalo na kung pag-uusapan po ay kalusugan at edukasyon ng aming mga anak. Syempre po ang sabi po natin ay ang edukasyon ay isa sa tuntungan para po makatawid sa kahirapan at maputol ang siklo ng kahirapan. Katulad ko po na nanggaling sa hirap, gusto ko po na makapagtapos ang aking anak para po sila ay hindi na maging mahirap na katulad ng pinagdaanan ko,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?