208

Aug 25, 2018 @ 15:02
By

De Castro, itinalaga bilang bagong Chief Justice

Napili umano ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na punong mahistrado ng Korte Suprema si Justice Teresita Leonardo-De Castro.

Ang kumpirmasyon ay nagmula kay Special Assistant to the President Bong Go matapos matanggap ng Pangulo noong Biyernes ang isinumiteng shortlist ng Judicial and Bar Council.

Ang formal appointment ni bagong Supreme Court Chief Justice De Castro ay ilalabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa Martes.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na “best choice” ang napili ng Pangulo bilang bagong Supreme Court Chief Justice.

Bukod aniya sa pagiging competent ni De Castro ay kilala rin itong may pagmamahal sa bayan at judicial activist.

“Bravo! Best choice for CJ! Proven competence, known nationalist and a streak of being a judicial activist!” ani Roque.

Pinalitan ni De Casto si dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na napatalsik sa puwesto.

Si De Castro ang pang-24 Chief Justice ng bansa na magsisilbi bilang pinuno ng hudikatura hanggang Oktubre 8, 2018 kung kailan siya sasapit sa mandatory age retirement na 70.

Unang nagsilbi si De Castro sa Korte Suprema bilang law clerk noong 1973 bago naitalaga sa DOJ bilang state counsel noong 1978.

Naging Sandiganbayan Presiding Justice din ito bago naitalaga sa Korte Suprema bilang associate justice noong 2007.

Ikinalugod naman ni Acting Chief Justice Antonio Carpio ang pagkakatalaga kay De Castro bilang punong mahistrado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?