12
ABANTE dbm health workers alliance ph

DBM, sinisingil sa naantalang benepisyo ng health workers

Sharing is caring!

Ilang minuto matapos ang protesta ng ilang mga public school teacher, ang grupong Alliance of Health Workers (AHW) naman ang sumugod sa tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) sa Maynila.

Hawak ang malalaking banner at mga placards, naniningil ang grupo sa delayed benefits nila partikular na ang performance-based bonus na dapat sa ay 2016 pa ibinigay pero 2018 na ay wala pa rin.

Kinalampag ng grupo ang gate at humiga rin sila sa kalsada para ipakita ang kanilang pagkadismaya,, kasabay ang panawagan na taasan din ang kanilang suweldo, ang budget pangkalusugan para sa public hospitals at itigil na ang kontraktuwalisasyon.

Ayon kay Robert Mendoza, AHW national president, dapat ay prayoridad din na taasan ng pamahalaan ang suweldo ng mga health worker dahil sila ay isa sa mga nangunguna na nagsasalba sa buhay ng mga pasyente.

Giit pa ng grupo, kung nakapaglaan nga ang pamahalaan ng budget na P3.5 bilyon para sa Dengvaxia at P57 bilyon sa PhilHealth, dapat ay maglaan din ng budget para sa mga health worker.

Nagbanta ang grupo na kapag hindi sila pinakinggan ng pamahalaan, sunod-sunod din ang mga ikakasa nilang protesta. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?