5

Dec 17, 2020 @ 16:42
By

Dayuhang kontraktor ‘di puwede sa Cagayan River Project – DENR

Hindi papayagan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga dayuhang contractor sa mga gagawing dredging operation sa Cagayan River at sa lahat ng mga ilog sa bansa.

Ito ang nilinaw ni DENR Secretary Roy Cimatu sa Malacañang matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rehabilitasyon ng Cagayan Valley River at ilog sa Marikina City sa ilalim ng Task Force Build Back Better.

Sinabi ni Cimatu na pawang Filipino contractor lamang ang papayagang maghukay alinsunod sa batas pangkalikasan.

“We have a ruling that walang foreign contractors po rito, all Filipinos po ito na may construction compamy and this is really a part of our river restoration projects all over the country,” ani Cimatu.

Libre aniya ang maghukay sa mga ilog at anumang makukuha o mapapakinabangan ng mga contractor ay hindi na pakikialaman ng gobyerno.

“We are allowing contractors to dredge for free but they can get their ano–itong makuha nila na mga stunts doon and for whatever they get para naman ma-recover iyong kanilang cost of dredging,” dagdag ni Cimatu.

Hindi aniya maaaring itigil ng contractors ang paghuhukay hangga’t hindi natatapos ang dalawang taon alinsunod sa kontrata o memorandum of agreement na dapat pirmahan ng contractor at local government unit.

Matatandaang ang Cagayan at Marikina City ang nakaranas ng matinding pagbaha noong nakalipas na buwan matapos umapaw ang kanilang ilog dahil masyado nang mababaw ang mga ito kaya kinakailangan muling hukayin para malutas ang malubhang pagbaha sa tuwing may bagyo o malakas na pag-ulan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?