29
views
ABANTE palasyo roque salary teachers pag aaralan
By

Dayalogo ng Malacañang sa ilang religious organizations, sinimulan na

Sharing is caring!

Inumpisahan na ng 3-man committee ng Malacañang ang pakikipag-usap sa ilang religious organizations kaugnay sa kontrobersiyal na komento ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bibliya at sa Diyos.

Unang nakausap ng panel ang Philippine Council of Evangelical Churches kung saan nakaharap sina Bishop Noel Pantoja, Bishop Efraim Tendero, Secretary General ng World Evangelical Alliance at ilan pang kasamahan nila sa Greenhills, San Juan.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ipinaabot ng mga obispo na ipagdarasal nila ang Pangulo at tutulong para mapaghilom ang sugat na pinaghuhugutan nito ng kanyang mga matatalas at maaanghang na pananalita laban sa Simbahan.

Magkakaroon aniya ng regular na dayalogo hanggang sa tuluyang maging maayos ang relasyon ng Pangulo sa sektor ng relihiyon.

“Sa akin po personal na karanasan ko tumaas ang balahibo ko doon sa pag-uusap namin sa PCEC. Nangako sila na ipagdarasal ang ating Pangulo lalo na ‘yung paghilom ng mga sugat na pinagmulan ng mga maaanghang na salita ng Presidente laban sa Simbahang Katoliko. Ang sabi nga nila eh bagama’t hindi kami ang Simbahan na nagbigay ng sugat sa Presidente ay nais nilang gumawa ng mga hakbang para sila na ang magsimula ng proseso ng paghihilom. At magkakaroon na ng regular na dayalogo,” ani Roque.

Sinabi naman ni Bishop Tendero na nalungkot siya matapos mabasa ang transcript ng mga naging pahayag ng Pangulo at sana aniya ay mapag-isip-isip nito na walang puwedeng kumalaban sa Diyos.

“Nalungkot ako and I was afraid for the President, and I was afraid for the nation because when you say something against God, you can never fight God. But you see, kung anuman ang ating pagkukulang o pagkakasala, he sent His son to redeem humanity. Ang dalangin ko, ang ating Pangulo ay magkaroon ng ganoon ding realization and experience of what it means to be delivered from whatever hurts and pains that he has. Sa kanyang pangunguna sa ating bayan, I hope that he will be able to lead with that fear of God, lead with that recognition that apart from God we are nothing and we cannot do anything,” ani Bishop Tendero.

Kasama ni Roque sa dayalogo sina Pastor Boy Saycon at Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella.

Sinabi ng kalihim na nais sana nilang unahin ang pakikipagdayalogo sa Catholic Bishops Conference of the Philippines subalit abala aniya ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?