61

Oct 31, 2017 @ 16:51

Davidson Bangayan, itinanggi ang kaugnayan sa rice monopoly

Nanindigan ang hinihinalang big-time rice smuggler na si Davidson Bangayan na walang batayan ang reklamong inihain laban sa kanya ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa hinala na sangkot siya sa monopolya ng suplay ng bigas sa bansa.

Si Bangayan, alyas David Tan, ay ipinagharap ng NBI ng reklamong monopolies and combinations in restraint of trade na paglabag sa ilalim ng Article 186 ng Revised Penal Code; bid fixing na paglabag sa ilalim ng Section 65 ng Republic Act 9184 o Government Procurement Act; at paggamit ng hindi tunay na pangalan o pagtago ng totoong pagkakakilanlan na paglabag sa ilalim ng Article 178 ng Revised Penal Code.

Sa pagharap niya sa pagdinig sa Department of Justice, nagsumite si Bangayan ng counter affidavit kung saan iginiit niya na walang batayan ang paratang na nagsabwatan sila ng iba pang mga respondent para pondohan ang mga farmer cooperative noong 2012 at magsilbing dummy sa pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Giit ni Bangayan, ang paratang ay maituturing na “hearsay evidence” dahil wala namang naipakitang katibayan ang NBI na siya ay financier ng mga kooperatiba.

“The complaint is utterly lacking in the important details — when, where, and how I supposedly give the funds, how much, and to whom I gave the money. There is nothing in the complaint which even remotely shows that I handed out money to the cooperatives,” giit ni Bangayan sa kanyang counter affidavit.

Itinanggi rin ni Bangayan na siya si David Tan bagama’t siya ay naghain ng libel complaint laban sa anim na tao noong 2005 bilang si “David Tan”.

“Other than being into the business of buying and selling scrap metal, which is not the subject matter of this case, I am not a ‘manufacturer, producer, or processor or importer’ of rice,” ang pagpapatuloy ng kanyang kontra-salaysay.

Nakatakda namang magsumite ang NBI ng reply affidavit sa Nobyembre 20, 2017. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?