71
Davao City, naglaan ng ayuda sa mga bayan na tinamaan ng El Niño

Davao City, naglaan ng ayuda sa mga bayan na tinamaan ng El Niño

By John Carlo M. Cahinhinan

DAVAO CITY – Inaprubahan kamakailan ng Pamahalaang Lungsod ng Davao ang pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga bayan at lalawigan na tinamaan ng matinding tagtuyot na dulot ng El Niño.

Ayon kay Alfredo Baloran, hepe ng City Disaster Risk Reduction Management Office, pinayagan ng mga miyembro ng Davao City Council ang paglalaan ng pondo na aabot sa P7.8 milyon upang ipamahagi sa tatlong lalawigan at 21 bayan—kabilang na ang isang lungsod sa Region 7 na labis ng naapektuhan mantinding tagtuyot.

Paliwanag ni Baluran, ang nasabing ayuda ay idadaan muna sa Philippine Red Cross at hindi sa mga pamahalaang lokal dahil sa umiiral na election ban.

“We do not give the money to the local government unit, because there is an election ban, we course it through the Red Cross,” saad ni Baluran

Bawat isang lalawigan na malubhang tinamaan ng tagtuyot ay makatatanggap ng P1 milyon samantalang bawat isa sa 20 bayan ay makatatanggap ng P300,000.

Ang nag-iisang siyudad sa listahan ang bibigyan naman pinansiyal na ayuda na aabot sa kalahating milyon.

Ayon kay Baluran, mismong si Davao City Mayor Sara Duterte ang humiling sa konseho ng lungsod upang tulungan ang mga bayan na malubhang tinamaan ng El Niño.

“Mayor Inday Sara Duterte once told me that we should not worry if we keep on extending help to calamity-affected municipalities,” saad ni Baluran.

“The city has enough money for our disaster operations and we should keep on helping those who are in need,” dagdag ng opisyal.

Kumpara sa ibang bayan o lungsod, hindi gaanong malala ang epekto ng El Niño sa Davao City kaya minamubuti ng mga opisyal ng lungsod sa pamumuno ni Mayor Sara na bigyan ng tulong ang mga lugar na sinalanta ng El Niño.

Nauna nang nagpalabas ang konseho ng P3.4 milyong pinansiyal na ayuda sa mga bayan at lalawigan na tinamaan ng El Niño sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?