4,647
arrested-arestado
By

Dating Sex Bomb dancer timbog ulit sa buy-bust

Arestado ang tatlong tulak ng iligal na droga kabilang ang dating miyembro ng Sex Bomb sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya Martes ng gabi sa San Pablo City, Laguna.

Kinilala ni Police Col. Eleazar Matta, Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office (PPO) ang mga naarestong suspek na sina Sheena Joana Rono Uypico alyas Sheena, dating miyembro ng Sex Bomb, 34, dalaga, kapatid na si Melrose Rono Uypico, 32, pawang residente ng Barangay San Gabriel, at Elmer Panaligan Senoreses, 40, residente naman ng Barangay II-D, pawang ng nabatid na lungsod at nasa drug watchlist ng pulisya na nasa kategoryang pusher.

Ayon pa kay Matta, ang suspek na si sex bomb Sheena ay ikalawang beses ng nadakip sa kapareho ding kaso matapos na maaresto din ito sa isang buy-bust operation sa Laguna noong Nobyembre 25, 2018.

Lumalabas sa ulat ng San Pablo City police na nasakote ang mga suspek sa sa isinagawang operasyon sa Barangay San Nicolas ng nabanggit na lungsod dakong alas-6:45 ng gabi.

Napag-alaman na isang police poseur buyer ang kumuha ng shabu sa mga suspek gamit ang P1,000 marked money at nagkasundong magkikita sa isang lugar sa nasabing barangay.

Dumating ang mga suspek sa lugar sakay ng kulay asul na kotse na may plakang PMK-343 at nang magkaabutan ng shabu at pera ay agad na inaresto ng mga naka-stand by na pulis ang mga suspek.

Nakakuha ang pulisya ng tinatayang nasa P40,000 halaga ng shabu at P4,000 cash na pinaniniwalaang napagbentahan ng iligal na droga.

Sa ngayon ay nakakulong na ang mga suspek sa San Pablo City PNP detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?