gunban
By

Dating sekyu, buwena-mano sa Comelec gun ban

Sharing is caring!

Dinakip ang isang lalaki makaraang lumabag sa umiiral na Commission on Elections (Comelec) gun ban sa Cadiz City, Negros Occidental kaninang madaling-araw.

Ngayon ang unang araw ng pagpapatupad ng gun ban kasabay ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kakandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Sa report ng Philippine National Police (PNP), kinilala ang naarestong si Jonathan Sison, residente ng Brgy. Cabahug, Cadiz.

Nadakip ito sa loob ng isang KTV bar sa Lopez Jeana Street, Brgy. Zone 4 sa nabanggit na siyudad habang nagsasagawa ng Oplan Bakal Sita ang mga pulis.

Ayon sa inisyal na ulat, unang napansin ang suspek na dating security guard, na nag-iinom sa loob ng bar habang suot ang athletic uniform ng pulis.

Nabawi mula sa suspek ang isang unit ng Smith and Wesson revolver magnum .357 na walang serial number at may limang live ammos at cylinder nito.

Kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to Comelec gun ban at ilegal na pagsusuot ng police at military uniform ang kakaharapin ni Sison.

Nakakulong na ito ngayon sa detention cell ng Cadiz City Police Station.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?