366

Jul 4, 2019 @ 17:34
By

Dating opisyal ng Manila City Hall pumalag sa mga akusasyon ni Isko

Pinalagan ng isang dating opisyal ng pamahalaang lokal ng Maynila ang akusasyong lubog pa rin sa utang ang lungsod at umaabot sa mahigit P5 milyon ang kinokolektang suhol mula sa mga vendor kada araw.

Sinabi ni dating manila city administrator Ericson Alcovendaz na hindi nagpabaya ang administrasyon ni dating Manila Mayor Joseph Estrada sa pagkuwestiyon sa sinasabing P214 milyong utang ng lungsod sa Government Services Insurance System (GSIS).

“As far as our records are concerned, we are up to date in the remittance of the contributions of our employees,” paliwanag nito.

Tinawanan lang din ni Alcovendaz ang akusasyon ni Manila Mayor Francsco “Isko Moreno” Domagoso na may nahahakot na P5 milyon mula sa mga vendor kada araw bilang suhol para sila makapagtinda sa bangketa.

“Kung mayroon mang bribe dito katulad niyan, siguro ay hindi na ‘yan nakakarating sa city hall. Tumitigil ‘yan sa barangay pa lang. Hirap ngang makabayad ng P20 para sa hawkers fee, makakolekta pa ng ganyan kalaki?” ani Alcovendaz.

May iniwan din umano ang Estrada administration ng P10 billion “available for the disbursement of the city” na pondo taliwas sa pahayag ni Domagoso na nagpamana pa ito sa kanya ng P14 billion na utang.

Sinabi pa ni Domagoso na may mga hawak siyang dokumento na magpapatunay na hindi imbento ang kanyang mga akusasyon laban sa dating alkalde.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?