65

Dec 25, 2017 @ 15:37
By

Dating kontratista ng MRT, pasok ulit sa bidding ng DOTr projects – Nograles

Ibinulgar ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Jericho Nograles na nakasali pa rin sa bidding ng tatlong malalaking proyekto ng Department of Transportation (DOTr) ang Busan Transportation Corporation at Edison Development & Construction.

Ito’y matapos makasuhan at kanselahin ang maintenance contract ng kumpanya para sa MRT dahil sa palpak na serbisyo at maanomalyang kasunduan sa gobyerno.

Ang masaklap pa ayon kay Nograles, ang parehong mga kumpanyang ito ay nag-iisang bidder para sa maintenance ng LRT Line 2.

“This is shocking! How can the Transportation Secretary Arthur Tugade allow this? It’s basic common sense that Busan and Edison should have been blacklisted from joining any bidding for any government project especially projects of the DOTr. Iniluwa na nga isusubo pa ulit?” ani Nograles.

Ang Edison na incorporator ng Busan Universal Rail Inc. (BURI) ay pagmamay-ari ni Elpidio Silvestre Uy na bigong magdeklara ng ownership ng BURI sa Bureau of Internal Revenue.

Ang Busan naman na incorporator din ng BURI, ay isang Korean company na nahaharap sa mga kaso kabilang ang plunder na inihain ng DOTr.

Bukod sa maintenance contract para sa LRT 2 binanggit ng kongresista na kabilang rin sa mga proyektong gusto na namang papelan ng Busan at Edison ay Rail Replacement ng MRT-3 at restoration ng apat na tren ng LRT 2.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?