50

Dec 21, 2020 @ 20:36

Dating CA Associate Justice natagpuang patay sa Tarlac

Makalipas ang halos dalawang buwan, nakumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na si retired Court of Appeals (CA) Associate Justice Normandie Pizarro ang bangkay na natagpuan sa isang bakanteng lote sa Capas, Tarlac noong Oktubre 30.

Sa panayam kay NBI Director Eric Distor sa “24 Oras” nitong gabi, kinailangan nilang magsagawa ng mga DNA test dahil wala nang mga daliri at isang kamay ang bangkay.

Lumabas aniya sa mga ginawa nilang DNA test na si Pizarro ang bangkay.

“Our DNA test results showed that the cadaver recovered in Tarlac are the remains of retired CA Justice Normandie Pizarro. Dental evidence gathered by our forensic team matched with the dental records of the former member of the CA,” pahayag ni Distor.

“Initial investigation also shows that Justice Pizarro was brutally killed in Tarlac seven days before he was found dead last October 30,” dagdag nito.

Huli umanong nakita si Pizarro sa Pampanga noong Oktubre 23 matapos noon ay iniulat na siyang nawawala ng mga kaanak.

Sa ngayon, ani NBI spokesman Ferdinand Lavin, nasa tatlong persons of interest ang kanila nang kinakausap at inaalam na ang dahilan ng pagkamatay ni Pizarro.

Si Pizarro noon ang nagbasura sa mga kasong inihain laban kina pork barrel scam mastermind Janet Lim Napoles at dating Palawan Governor Joel Reyes sa CA. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?