216

Apr 24, 2019 @ 14:08
By

Dating adik nag-ala Rambo: 2 patay, 1 sugatan

Arestado ang isang dating drug surrenderee matapos ang walang habas na pamamaril sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Little Baguio, San Juan City, Martes ng hatinggabi.

Sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Roberto Bañez, 59, residente ng Barangay Little Baguio.

Ayon kay Col. Ariel Fulo, hepe ng San Juan City police, naaresto si Bañez alas-12:15 ng hatinggabi sa loob ng kanilang bahay matapos hagisan ng mga nagrespondeng pulis ng tear gas.

Nakatanggap sila ng report mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y pag-aamok ng suspek.

Kinailangang gumamit ng mga pulis ng tear gas para mapasuko ang nagwalang suspek.

Nakilala ang mga nasawing biktima na sina Catalino Bañez, 73, kuya ng suspek; at Ma. Teresa Antiquera, isang therapist.

Sugatan naman si Rhea Antonio, 33, stay-in nurse.

Batay sa imbestigasyon, dumating ang suspek sa kanilang bahay na armado ng baril at walang sabi-sabing nagpaulan ng bala na agarang ikinasawi ng kanyang kuya habang nakalabas naman ng bahay ang dalawang biktima ngunit nagtamo rin ng tama ng bala sa katawan.

Agad na dinala sa Cardinal Santos Hospital San Juan City ang dalawang babaeng biktima subalit binawian ng buhay si Antiquera habang nagpapagaling naman ang nurse dahil sa tinamong tama ng bala sa paa.

Napag-alaman na ikalawang beses nang nag-amok ang suspek kung saan binaril nito ang kanilang family driver noong 2014 ngunit hindi naman ito nakulong dahil hindi nagsampa ng kaso ang kanyang biktima.

Narekober sa crime scene ang isang 12 gauge shotgun, isang .45 caliber at isang .22 caliber revolver.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang San Juan Police upang matukoy ang dahilan ng pamamaril ng suspek na nakakulong ngayon sa San Juan detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?