57

Feb 4, 2020 @ 18:47
By

Data ng mga pasahero sa flight ng nCoV carrier, binigay na ng CebuPac, PAL

Ibinigay na ng Cebu Pacific ng mga Gokongwei at ng Philippine Airlines ni Lucio Tan ang passenger manifest ng mga flights na sinakyan ng dalawang Chinese na positibo sa novel coronavirus sa Department of Health.

Ayon kay Privacy Commisssioner Raymund Enriquez Liboro, pinapayagan ng Data Privacy Act of 2012 ang pag-release ng passenger manifest lalo na’t may banta sa kalusugan ng nakararami.

“In responding to a critical public health issue like nCov, the DOH has the mandate, purpose and the necessity to collect and process personal data to uphold the public welfare. Therefore, nothing should prevent airline companies from releasing relevant passenger data to competent and mandated authorities like the Department of Health,” sabi ni Liboro.

Dagdag pa niya, hindi layunin ng DPA of 2012 na pigilan ang pamahalaan magproseso ng personal at sensitive personal information para gawin ng isang ahensiya ang mandato nito. Ang layunin ng batas ay proteksyonan ang data privacy ng mga tao habang sinisegurong makukuha ang impormasyong kailangan.

Gayun pa man, kinikilala ni Liboro na may privacy risk sa mga tao ang pag-disclose ng passenger manifest.

Sabi ni Cebu Pacific spokesperson Charo Logarta Lagamon, nakikipagtulungan ang Cebu Pacific sa DOH, Bureau of Quarantine at iba pang ahensiya para mabantayan ang pagkalat ng nCov sa simula’t simula pa.

Bukod sa pagbigay ng passenger manifest sa DoH at sa BOQ, tinatawagan na rin ng CebuPac ang mga pasaherong nasa parehong flight ng dalawang Chinese na nCov positive at nagbukas na rin ito ng hotline para sa mga pasaherong nakasabay nito.

Sabi naman ng PAL, ibinigay na nito sa DoH at BOQ ang “unredacted manifest” ng galing Dumaguete pa Maynila na sinakyan ng dalawang nCov positive na pasahero. Tinutulungan na rin nito ang BOQ sa pagtawag sa mga apektadong pasahero.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?