54

Feb 25, 2020 @ 15:42
By

Dashcam, CCTV at GPS ioobliga sa mga PUV, TNVS

Hindi na papayagang bumiyahe ang isang public utility vehicle (PUV) gayundin ang transport network vehicle service (TNVS) kapag walang nakakabit na dashcam, CCTV at Global Positioning System (GPS) sa mga sasakyan nito bilang standard safety equipment.

Ito’y sa sandaling makapasa ang House Bill 3341 na inihain ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera na nag-oobliga sa lahat ng pampublikong sasakyan, TNVS, school transport service at maging sa government service vehicle na maglagay ng dashcam, CCTV at GPS sa kanilang sasakyan.

Layon nitong magkaroon ng maaasahan at ligtas na public transportation system ang mga Pilipino.

Paliwanag pa ni Herrera, sa dami umanong krimen at aksidenteng nagaganap sa mga lansangan ay malaki umanong tulong ang mga nabanggit equipment para maidokumento ang pangyayari.

Ang mga video footage at impormasyon na makukuha mula sa dashboard, CCTV at GPS ay maaaring tingnan at gamitin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, government personnel, legal body at korte na siyang aatasan na mag-imbestiga at maglitis sa kriminal na aktibidad at mga paglabag.

Bukod dito, mananatili umanong confidential ang mga footage.

Nakapaloob sa panukala na isang ‘special loaning program and scheme’ ang ipagkakaloob upang matulungan ang public transport operators at kompanya na bumili ng naturang equipment at device.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?