104

Daraga, isailalim na sa Comelec control – solon

Umapela si Kabayan Party-list Rep. Ron Salo sa Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police (PNP) na maghain ng urgent petition sa Comelec para isailalim sa kontrol nito ang Daraga, Albay hanggang sa mailuklok ang alkalde sa May elections.

Ayon kay Salo, sa ngayon ay inosente pa rin sa mga mata ng batas si incumbent Mayor Calwyn Baldo hangga’t hindi napatutunayang siya ang nasa likod ng pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Pero dapat aniyang mag-udyok sa Comelec ang development na ito para maging maingat at ikunsidera ang integridad ng lokal na eleksiyon sa Daraga.

Binigyang-diin ng kongresista, na walang lugar sa lipunan ang paggamit ng dahas lalo na ang pagpatay sa kalaban sa politika para matiyak ang panalo sa halalan.

“Resorting to violence, and worst killing a political opponent, so as to ensure electoral victory is the highest form of savagery,” ani Salo.

Dapat aniyang agad mapanagot ang utak at ang iba pang sangkot sa krimen.

Sabi ni Salo, importanteng hakbang ito para makamit ang hustisya para kay Batocabe at kanyang pamilya gayundin sa mamamayan ng Daraga.

Tinukoy ng PNP si Mayor Baldo na umano’y mastermind ng pagpatay kay Batocabe at nagbayad ng P5 milyon sa pitong suspek. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?