45

Dec 17, 2019 @ 15:22
By

Dar sinabon ni Tolentino sa importasyon ng galunggong

Kinastigo ni Senador Francis Tolentino si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar dahil sa importasyon ng galunggong kahit na nauna na nitong tiniyak na sapat ang suplay ng nasabing isda sa bansa.

Ang tinutukoy ni Tolentino ay ang pag-angkat ng 45,000 metrikong tonelada ng galunggong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos payagan ng DA.

“Exactly 34 days ago, sinabi mo sa budget hearing na 98.5% [enough] ang ating round scad. Pero bakit ngayon nag-import na tayo ng galunggong? Tayo pa naman ang may fifth largest shoreline sa mundo,” sermon ni Tolentino kay Dar sa kanyang confirmation hearing sa Commission on Appointments para sa kanyang appointment bilang Agriculture chief.

Binatikos din ng senador ang kalihim dahil sa pagkabigo nitong resolbahin ang napakataas na presyo ng galunggong na umabot na sa P320 kada kilo.

“Prior to the importation, as of November 27, 2019, the retail price of galunggong is P220 [per kilo] pero after the importation, P320 na ang retail price,” punto ni Tolentino.

Dismayado rin ang senador dahil hindi makapaglabas si Dar ng datos ng mga inaangkat na isda kaya’t nag-atubili itong mag-import ng galunggong sa ibansa bansa.

“How could you say that we need to import galunggong in the first place if we don’t know how much is our total allowable catch or maximum sustainable yield, as required by law?” tanong ni Tolentino.

Pero sagot ni Dar, ang importasyon ng galunggong ay batay sa rekomendasyon ng BFAR.

Sabi pa nito, ang volume ng imported ng isda ay bumagsak sa 45,000 metrikong tonelda kumpara sa nagdaang mga taon.

“The importation is borne out that there is increasing tightness of the supply as we come towards the last quarter. There is a group within the BFAR, composed of multi-sectoral stakeholders, recommending the importation of this,” sabi ni Dar.

“If we just have to compare ‘yung importation natin po sa previous years, it’s always 120 to 150,000 in previous years, so this time around 45,000 lang iyong nirekomenda po ng committee na ‘yan which I approved,” dagdag nito.

Hinggil naman sa mataas na presyo ng galunggong, inihayag ni Dar na pansamantala lang ito dahil nasa panahon pa aniya sila ng pagpaparami.

“It is a closed season wherein we have to give respite to galunggong to breed. Rest assured they will be made available in due time in terms of harvesting or capturing the same,” ani Dar.

Giniit din niya na marami pang pagpipiliang isda ang publiko, tulad ng tilapia at bangus, kahit na mataas pa ang presyo ng galunggong sa mga pamilihan.

“Marami pong options ang mamimili kung isda ang pag-uusapan,” ayon kay Dar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?