16

Oct 11, 2021 @ 15:26
By

Dar binawal pag-export ng asukal sa US

Ipinagbawal ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ang pag-export ng Pilipinas ng asukal sa Estados Unidos ngayong taon para hindi magkulang ang supply nito sa bansa.

“Hindi muna namin papayagan mag-export sa US,” sabi ni Dar sa press conference kahapon.

“[Ang] produksyon natin ay more or less sapat lang sa ating requirement that’s why,” paliwanag ng kalihim.”

Nabatid na epektibong pinagbawal ni Dar ang pag-export ng asukal sa US noong Agosto 27, 2021 nang pirmahan niya ang Sugar Order No. 1 series of 2021-2022 kung saan lahat ng produksyon nito ngayong anihan ay inilaan para sa lokal na merkado.

Ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), bababa ang produksyon ng asukal ngayong taon sa 2.099 milyon metriko tonelada. Mas mababa ito kaysa sa 2.19 milyon metriko tonelada noong nakaraang ani.

Sabi ng SRA, mas kaunti ang magagawang asukal ngayon dahil sa La Niña weather phenomenon. Dahil magiging maulan, mas kaunti ang makukuhang asukal sa mga aanihing tubo sa bansa.

Noong Abril, inilaan ni Dar ang 7% ng lokal na produksyon ng asukal para i-export sa US ngunit binawi nitong Hulyo matapos na ipagbawal ang pag-export ng naturang produkto sa Estados Unidos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?