56

Aug 31, 2019 @ 17:10
By

Dapat sisitahin lang: 2 delivery boy swak sa baril, droga

Arestado ang dalawang delivery boy na magka-angkas sa motorsiklo matapos sitahin ang motor na walang plaka at mahulihan ng baril at droga sa Makati City kaninang madaling araw, Agosto 31.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang dalawang suspek na sina Jemson Quiran, 23, at Bryan Jay Bacuyong, 26, kapwa delivery boy.

Batay sa ulat, dakong alas-1:15 ng umaga nang maaresto ang dalawa sa kahabaan ng Evangelista St. kanto ng Calhoun Barangay Pio Del Pilar ng nasabing lungsod.

Ayon kay Simon, kasalukuyan nagpapatrolya sina Patrolma’s John Valones at Arlon Mallari na nakatalaga sa Police Community Precinct-3 sa kahabaan ng Osmena Highway nang mamataan nilang magkaangkas ang dalawang lalaki sa isang motorsiklo na walang plaka at kahina-hinala ang pagkilos nila.

Pinahihinto ng mga pulis ang mga suspek, ngunit biglang umiwas ang mga ito. Dito na umano nagkaroon ng maikling habulan na agad namang nasakote sa may Evangelista St. dahilan upang arestuhin nila ang mga ito.

Bilang bahagi ng proseso nirekisa ng mga pulis ang dalawa at dito natagpuan ang isang 22-kalibreng baril na may limang bala, isang uri ng patalim at dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Kaagad namang dinala ang dalawa sa nasabing himpilan ng pulisya para sa masusing imbestigasyon at sa ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive dangerous drug act of 2001 at BP 8 o illegal possession of firearms and ammunition.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?