137

Jul 8, 2019 @ 15:33
By

Dapat managot ang mga Chinese sa Recto Bank incident – Bato

Kailangang managot ang mga tripulante ng barko ng China na bumangga sa bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank, ayon kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

“Kasuhan ang gumawa niyan. I’m not an expert in international law, di man ako lawyer pero may nangyari sa ating EEZ dapat may maghabla, dapat managot sila,” sabi ni Dela Rosa.

Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag kasunod ng inilabas na 13 pahinang joint investigation report ng Philippine Coast Guard o PCG at Maritime Industry Authority o MARINA na ipinasa sa Malakanyang noong Hunyo 20.

Sabi pa ni Dela Rosa Rosa, dapat hindi rin bumitaw ang gobyerno sa paghahabol sa mga mangingisdang Chinese na bumangga sa bangka ng mangigisdang Pinoy sa Recto bank.

“Dapat [‘wag bumitaw]. Otherwise kung pabayaan natin ‘yan palagi na lang gagawin ‘yan. Kawawa naman ang ating mga kababayang mangingisda,” ani Bato.

Sabi sa report PCG-MARINA, hindi na nagawa pang makaiwas ng barko ng China kaya’t bumangga ito sa bangka ng mga Filipino fisherman na naka-angkla sa Reed Bank na bahagi ng West Philippine Sea noong Hunyo 9.

Base sa Rule 18 ng Collision Regulations or Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea o COLREG, kailangang iwasan ng tinatawag na power-driven vessel tulad ng Chinese vessel, ang mga bangkang nakahinto o walang kakayahang umiwas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?