51

By

Dapat hatulan na ni Duterte, publiko si Tugade – Poe

Hanggang sa katapusan ng Pebrero, kailangan na umanong hatulan ni Pangulong Duterte at ng taumbayan si Transportation Secretary Arthur Tugade kung dapat pa itong manatili pa sa puwesto.

Ayon kay Senator Grace Poe, iyan ay kapag nabigo si Tugade na tuparin ang sariling pangako na mapapaganda na ang serbisyo ng Metro Rail Transit 3 (MRT 3) hanggang sa kapusan nitong buwan.

Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public information and mass media, na kapag nabigo si Tugade, maituturing itong mensahe na hindi niya naiintindihan ang laki at lawak ng mga obligasyon nito.

“Hayaan mo na ang tao ang maghusga. Pagdating ng February at hindi pa rin gumaan ang sitwasyon at sila na mismo ang nagbigay ng kanilang sariling palugit e siguro dapat talaga ay magisip-isip tayo tungkol dito,” sabi ni Poe.

Una nang nangako si Tugade na reresolbahin ang mga problema ng MRT 3 ngayong Pebrero.

Parating na diumano ang spareparts na inorder para makumpuni ang mga bagon at riles ng tren.

Ayon kay Poe, kailangan na ngayong siguraduhin ni Tugade na may technical expertise sa railway system ang mamamahala sa MRT 3.

Apurahin na rin ang pagkuha ng maintenance provider at kung maari ay linawin na kung interesadong bumalik dito ang Sumitomo, na dating humahawak sa MRT pero pinalitan ng Busan Universal Rail Incorporated (BURI).

Sinipa na ang BURI dahil sa malimit na aberya ng MRT at inako na ng DOTR ang pagmamantine nito sa ngayon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?