116

Feb 2, 2019 @ 13:18

Dapat bayad ang mga guro sa midterm elections – Bam Aquino

Inihayag ni reelectionist Senator Bam Aquino na ang mga guro na magsisilbing board of election inspector sa darating na midterm elections sa Mayo ay dapat bayaran.

Ayon kay Aquino, kung may pag-uusap tungkol sa 2019 budget, dapat magpasa ng budget ang Kongreso para sa mga guro na maglalaan ng oras sa midterm elections sa Mayo.

Sinabi pa nito na ang Kongreso ay sigurado na magpapasa ng General Appropriations Act o GAA sa susunod na linggo.

“Gagawin natin ang lahat para masigurong mababayaran ang ating mga guro sa kanilang trabaho sa darating na halalan. Bigyan natin sila ng karampatang pagkilala at huwag ibitin ang mga kompensasyon at benepisyong itinakda ng batas para sa kanila,” ani Aquino.

“Sayang naman ang batas na ating isinulong kung hindi mapakikinabangan ng mga guro,” dagdag ni Aquino.

Si Aquino ang nagtulak sa Republic Act 10756 o mas kilala bilang Election Service Reform Act na nagsasaad na ang mga guro na magtatrabaho sa araw ng eleksyon ay dapat bayaran ayon sa ranggo o posisyon.

Ang Chairperson of Electoral Boards ay dapat tumanggap ng P6,000 habang ang Members of Electoral Boards ay P5,000. Ang DESO o supervisor ay dapat tumanggap ng P4,000 at ang mga supporting staff ay P2,000. May karagdagang P1,000 travel allowance ang magtatrabaho sa araw ng eleksyon. (AV)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?