312

Dec 20, 2017 @ 14:55
By

DAP president Elba Cruz sinibak ni Duterte

Masaklap ang Pasko at Bagong Taon ng Presidente at Chief Executive Officer (CEO) ng Development Academy of the Philippines (DAP) na si Dr. Elba Siscar Cruz matapos itong sibakin ng Malacañang.

Ang termination paper na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea at may petsang December 18, ay inaatasan si Cruz na bakantehin ang kanyang posisyon sa lalong madaling panahon.

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Cruz sa DAP noong Hulyo 2016 bilang board member at nagtapos noong Hunyo 30, 2017 kaya nasa hold-over capacity na lang ito.

Mula sa pagiging board member ng DAP ay naluklok si Cruz bilang President at CEO.

Agad namang nagpasalamat ang mga DAP employees kay Pangulong Duterte sa pagsibak kay Cruz na para sa kanila ay ‘best Christmas gift’.

Ipinetisyon ng DAP Personnel Association (DAPPER) si Cruz at hiniling kay Pangulong Duterte na palitan ito dahil sa kuwestiyonableng aktibidad at kawalan umano ng tamang pag-uugali.

Bukod dito, nakaranas din umano ng harassment ang mga empleyadong lumaban sa mga ginagawa nito. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?