149

Jan 8, 2020 @ 16:26
By

Danny kay Manny: Legend killer ako!

Mataas ang respeto pero handang magpabagsak ng beterano.

Ito ang pinaninindigan ni two-division world champion Danny ‘Swift’ Garcia sa nilulutong laban nila ni fighting senator Manny Pacquiao.

“Manny Pacquiao is a legend I respect him but Danny Garcia is a legend killer!,” aniya.

Giit pa nito, kahit nasira ni ‘Pacman’ ang record ni Keith Thurman na 30-0 noong July 2019 ay kaya niyang makipagsabayan sa ‘Pambansang Kamao’ dahil mas matindi itong contender kumpara kay ‘One Time’ Thurman.

“I have better timing than Keith [Thurman] and I have better one-punch knockout power than Keith. And I’m a better counter-puncher than Keith,” pagyayabang pa nito.

Wala pang opisyal na sagot ang WBA ‘super’ welterweight titlist na si Pacquiao sa pinakahuling patutsada ng American-pro boxer.

Isa si Garcia sa mga nasa radar ng 41-anyos na natatanging eight-division champion na si Pacquiao na makasapakan ngayong taon.

Bukod kay Garcia, hinahamon din ni Pacquiao sa rematch ang undefeated Amrican champion na si Floyd Mayweather Jr. subalit wala pa rin itong kongkretong sagot.

Naglaban sina Pacquiao at Mayweather taong 2015 sa tinaguriang ‘Fight of the Century’ at ‘Battle for Greatness’ sa MGM Grand Garden Arena kung saan umiskor ang huli ng split decision win.

Isa pang humahamon din kay Pacquiao si Errol Spence Jr. na kasalukuyang World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?