118

Jun 9, 2019 @ 16:40
By

Dance instructor, pinasayaw sa bala

Pinasayaw sa 9 na tama ng bala ng baril ang isang dance instructor matapos pagbabarilin ng ‘gunman’ na sakay ng motorsiklo sa Brgy. Pasong Putik, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Joselito Esquivel Jr., ang biktima na si Michael Allan Velasco, 40, dance instructor, at residente ng No. 102 C. Benitez St., Cubao, QC. Siya ay nasa kritikal na kondisyon ngayon sa E. Rodriguez Hospital.

Agad namang nakatakas ang gunman na nakilala sa alyas na ‘Ronie,’ na nakasuot ng itim na helmet at brown na jacket at lulan ng isang itim na Mio motorcycle.

Batay sa ulat ng Fairview Police Station 5 ng QCPD, dakong alas-9:00 ng gabi (June 8) nang maganap ang pamamaril sa Champaca St., sa Brgy. Pasong Putik.

Bago ang krimen, dakong alas-8:00 ng gabi ay nasa bahay na ang biktima nang makatanggap ng isang text message mula sa suspek na nagsabing nais nilang kunin ang serbisyo nito upang turuan sila ng sayaw.

Nagkasundo ang dalawa na magkikita kaya’t agad na umalis ang biktima upang magtungo sa naturang lugar.

Dinala pa umano ng suspek ang biktima sa isang open court at saka ito pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago mabilis na tumakas.

Narekober ng mga awtoridad mula sa crime scene ang siyam na basyo ng bala ng .9mm pistol.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?