77

Dec 2, 2020 @ 10:34

Daming shot request! GMA gusto libreng video ng OFW

May lumitaw na bagong kuwento tungkol sa gawain ng GMA-7 na panghihingi ng mga libreng video: ngayon naman, sa isang overseas Filipino worker (OFW).

Sa Twitter, siniwalat ni Getty Images photojournalist Ezra Acayan ang liham na pinadala kay Wilson Paguyo na isang chef sa Paris kung saan nais i-waive ng Kapuso network ang bayad para sa kukuhaang footage sa relief drive ni Paguyo, na para sa mga Pinoy na apektado ng COVID-19 pandemic doon.

Sa naturang liham na naka-address para kay Wilson Paguyo, nakasaad na ang mga larawan at video na nais kuhanin nang libre ng GMA ay para sa kanilang bagong programa na ‘Reel Time X’.

Saad sa naturang dokumento na hinihiling ng network na gamitin ang life story ni Paguyo, kabilang ang larawan, video, karanasan, at trabaho nito, at i-waive ang lahat ng fee hinggil dito.

Nakalagay din sa liham na kapag pumayag ang nasabing OFW ay may karapatan na ang GMA na ipamahagi, ilathata at gamitin ang naturang episode sa anumang layunin, at tanging ‘media mileage’ lamang ang mabibigay para sa kumuha ng footage.

Naglakip din ang photojournalist ng screenshots hinggil sa listahan ng shots at pegs na gusto ng network na kuhanan nang libre ni Paguyo para sa nasabing episode.

“GMA asked if they could use his videos for free on their program, and rather than hire an independent videographer in France to document Wilson’s daily life, they went as far as to ask him to do the shooting himself also for free,” kuwento ni Acayan.

Araw-araw umanong nakipag-usap ang GMA kay Wilson, tapos inutusan pa nilang mag-interview ang OFW sa mga tinutulungan nitong kababayan at kumuha ng video ng ilang landmark sa Paris.

Sa huli aniya, nakapagprodyus ng documentary ang GMA dahil sa libreng footage na pinaghirapan ni Paguyo.

Tapos, nang paubos na aniya ang pondo ni Wilson ay nanghingi ito ng donasyon para sa kanyang relief drive kapalit ng mga libreng ginawa niya para sa GMA.

Tugon daw ng GMA, “wala kaming budget.” Tapos ang nag-donate, ayon kay Acayan, ay ang staff ng nasabing programa at hindi mismo ang network.

“Staff did reach out to him after program aired, and pitched in donations out of their own pockets. Confirmed this Wilson. This just makes this incident alot more heartbreaking. The only winner here is the network, both Wilson and the staff are victims,” ani Acayan.

Kuwento ni Acayan, nakipag-usap sa kanya si Paguyo matapos nitong makita ang kanyang post hinggil sa panghihingi ng libreng materyal ng GMA. Matatandaang nag-request sa kanya ang network na magamit ang kanyang kuhang larawan na walang bayad.

Lumuha aniya ang chef dahil nagsisisi siyang pinamigay niya nang walang bayad ang kanyang gawa, gayong mas marami aniya siyang matutulungan kung binayaran siya nang maayos ng GMA.

Naalala pa aniya niya noong kumuha siya ng footage sa nasusunog na Notre Dame, tapos parehong ang CNN at Reuters ay nag-alok ng bayad sa kanyang amateur footage.

Nag-aalala aniya si Paguyo na ginawa ng GMA sa iba pang OFW sa iba pang mga bansa ang ginawa ng network sa kanya.

“This predatory practice of big networks asking for free work MUST END — be it a work produced by a professional or a home video produced by an amateur,” punto ng photojournalist.

“For a multi-billion-peso network like GMA to ask someone vulnerable like Wilson to produce free work is repulsive and deplorable to say the least,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?