22

Dalawa arestado sa pangunguha ng mga pusang gala

Sharing is caring!

Nahuli sa akto ang dalawang lalaki sa pangunguha at paglalagay sa sako ng mga galang pusa sa Lungsod ng Malabon.

Patay na at hindi na nasagip ng mga awtoridad ang ilan sa mga pusa dahil sa sobrang pagsisiksikan sa pinaglagyan sa kanila.

Sa ulat ni P/SInsp. Carlos Cosme ng Malabon City Police Community Precint III ay ganap umanong alas-11:30 ng umaga nang maaktuhan ng mga tauhan ng nasabing himpilan na nagsasagawa ng Oplan Sita sa kanto ng Tanigue Street corner Dalagang Bukid, Barangay Longos ng nasabing lungsod ang mga suspek na sina Juan Espayos Jr., 48-anyos, binata at residente ng Don Antonio, Lungsod ng Caloocan at Arthuro Sanchez Yee, 53-anyos, may asawa ng Dona Rita Street ng parehong lugar na may bitbit na sako at nanghuhuli ng mga pusa na madaanan nila sa kalsada.

Agad na sinita ng mga naka-duty noong sina P02 Joselito lnocencio, P01 Noriel Tejares, P01 Jenises Martecio at P01 Coleen Deang ang mga suspek na nagtangka pang tumakbo ngunit agad ding na-corner, nang buksan na nila ang sako ay doon tumambad sa kanila ang kalunos-lunos na kalagayan ng nasa 18 na nagsisiksikang mga pusa na ang ilan ay naghihingalo.

Mabilis nilang inaresto ang mga suspek at binitbit sa nasabing himpilan at nang interogahin hinggil sa kung anong gagawin nila sa mga pusang pinagkukuha nila ay sinabi nilang dadalhin umano ang mga ito sa ilang mga unibersidad na umorder sa kanila ng mga pusa at gagawing eksperimento.

Wala namang maipakitang kahit anong permit o dokumento ang mga suspek nang hanapan na sila kaya duda ang pulisya sa katwiran ng dalawa at pinaghihinalaang gagawing sangkap sa pagkain ang mga laman ng pusang nakuha nila na itinaggi naman ng mga suspek.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Malabon City detention cell ang dalawa na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8435 na inamyendahan ng RA 10631 o mas kilala sa Animal Welfare Act.

Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng pulisya kung ano ang motibo ng mga suspek sa mga pinaghuhuling pusa, inilibing na rin ang ibang mga patay na pusa habang sinusubukan namang isalba ng city veterinarian ang iba pang mga naligtas. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?