201

By

Dalagitang ginahasa, tinali sa puno na walang saplot

Patay ang isang 14-anyos na batang babae matapos siyang gahasain at itali sa puno ng kahoy sa taniman ng mais sa bayan ng Amulung, Cagayan noong Lunes umaga.

Ayon kay Amulung Police Station (APS) investigator P/Chief Master Sgt. Rey Capili isang residente ang tumawag sa kanila upang ipagbigay alam na nakita nila ang biktima na itinagong sa pangalang “Lovely”.

Sa report, ayon kay Capili, nakatali gamit ang tali ng kalabaw si Lovely sa leeg at iginapos sa puno sa taniman ng mais at walang saplot sa katawan.

Sinabi ng APS, nakatali rin ang mga kamay sa likod ng biktima kasama ng kanyang mga paa.

Sa medico legal ng Scene of the Crime Operative (SOCO) ng APS, nagpositibo rin umano ang biktima sa panggagahasa bago ito pinatay.

Ayon kay Capili, alas-8:30 ng gabi ng noong Linggo nang huling nakita ang biktima sa kanilang bahay.

Sa report, ang buong akala umano ng mga magulang ng biktima ay nakitulog ang biktima sa bahay ng kanyang lola, na siyang madalas niyang tinutuluyan sa tuwing wala siya sa kanilang bahay.

Ngunit, nagulat sila nang malaman na hindi nagtungo ang anak sa kanyang lola ng gabing iyon.

Dito, sinubukang hanapin ang anak ngunit bigo nilang makita hanggang sa mahanap sa taniman ng maisan at wala ng buhay.

Ayon sa APS, malayo sa kabahayaan ang lugar na pinangyarihan ng insidente kung kaya’t hindi nakahingi ng tulong si Lovely.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang APS hinggil sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?