1,187

Oct 4, 2017 @ 17:32

Dalagita ‘pinapak’ ng pinsan

Inaresto ng mg tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 30 anyos na lalaki makaraang ireklamo ng panghahalay ng kanyang 16-anyos na pinsan sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City.

Ayon sa biktimang itinago sa pangalang Amor, natutulog siya katabi ang tatlo niyang kapatid nang maramdaman niyang may humihimas sa maseselang bahagi ng kanyang katawan.

Nang buksan umano niya ang kanyang mga mata ay nakita niya ang kanyang pinsang lalaki na nakakubabaw na sa kanya at nang magtangka umano siyang sumigaw ay agad na tinakpan ng suspek ang kanyang bibig at pinagbantaang sasaktan.

Gayunman, hindi umano siya natakot at nanlaban ang biktima habang nagtitili hanggang sa magising ang kanyang mga katabing kapatid.

Dahil dito ay tumakbo ang suspek at muling umakyat sa kanyang tulugan. Agad namang nagreklamo ang dalagita sa pulisya at naaresto ang kanyang pinsan.

Sa himpilan ng pulisya ay inamin ng suspek (pansamantalang itinago ang pangalan) na pumasok siya sa silid ng biktima subalit itinanggi niyang hinalay niya ito. “Hindi po totoo yun…kumuha lang po ako ng ulam doon,” ayon sa suspek.

Nabatid na wala sa bahay ang mga magulang ng biktima nang mangyari ang panghahalay sa dalagita. “Nagtratrabaho kami magdamag para lang mapaaral lang namin mga anak namin tapos ngayon sisirain lang ang kinabukasan niya,” pahayag ng ina ng biktima.

Ang biktima ay pansamantalang dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para isailalim sa counselling, habang nakatakda namang kasuhan ng rape ang manyakis na pinsan.(Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?